Remove Ads

Ang Dating Biblia

Font


Genesis 30



1 At nang makita ni Raquel, na hindi siya nagkakaanak kay Jacob, ay nainggit si Raquel sa kaniyang kapatid; at sinabi kay Jacob, Bigyan mo ako ng anak, o kung hindi ay mamamatay ako!
2 At nagningas ang galit ni Jacob laban kay Raquel; at nagsabi, Ako ba'y nasa kalagayan ng Dios, na nagkait sa iyo ng bunga ng bahay-bata?
3 At sinabi niya, Narito ang aking alilang si Bilha, sumiping ka sa kaniya; upang manganak sa ibabaw ng aking mga tuhod, at magkaroon din naman ako ng anak sa pamamagitan niya.
4 At ibinigay niyang asawa si Bilha na kaniyang alila: at sinipingan ni Jacob.
5 At naglihi si Bilha, at nagkaanak kay Jacob, ng isang lalake.
6 At sinabi ni Raquel, Hinatulan ako ng Dios, at dininig din naman ang aking tinig, at binigyan ako ng anak: kaya't pinanganlang Dan.
7 At si Bilhang alila ni Raquel ay naglihi uli at ipinanganak ang kaniyang ikalawang anak kay Jacob.
8 At sinabi ni Raquel, Ako'y nakipagbaka ng malaking pakikipagbaka sa aking kapatid, at ako'y nanaig: at siya'y pinanganlang Nephtali.
9 Nang makita ni Lea, na siya'y hindi na nanganganak, ay kinuha si Zilpa na kaniyang alila at ibinigay na asawa kay Jacob.
10 At si Zilpa na alila ni Lea ay nagkaanak ng isang lalake kay Jacob.
11 At sinabi ni Lea, Kapalaran! at pinanganlang Gad.
12 At ipinanganak ni Zilpa na alila ni Lea, ang kaniyang ikalawang anak kay Jacob.
13 At sinabi ni Lea, Mapalad ako! sapagka't tatawagin akong mapalad ng mga babae: at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Aser.
14 At yumaon si Ruben nang panahon ng paggapas ng trigo, at nakasumpong ng mga mandragoras sa bukid, at dinala sa kaniyang inang kay Lea. Nang magkagayo'y sinabi ni Raquel kay Lea, Ipinamamanhik ko sa iyo na bigyan mo ako ng mga mandragoras ng iyong anak.
15 At kaniyang sinabi, Kakaunti pa bang bagay na iyong kinuha ang aking asawa? at ibig mo pa ring kunin ang mga mandragoras ng aking anak? At sinabi ni Raquel, Kaya't sisiping siya sa iyo ngayong gabi, dahil sa mga mandragoras ng iyong anak.
16 At si Jacob ay umuwing galing sa bukid ng hapon, at sinalubong siya ni Lea, at sa kaniya'y sinabi, Sa akin ka dapat sumiping; sapagka't tunay na ikaw ay aking inupahan ng mga mandragoras ng aking anak. At sumiping siya sa kaniya ng gabing yaon.
17 At dininig ng Dios si Lea: at siya'y naglihi at kaniyang ipinanganak kay Jacob ang kaniyang ikalimang anak.
18 At sinabi ni Lea, Ibinigay sa akin ng Dios ang aking kaupahan, sapagka't ibinigay ko ang aking alila sa aking asawa: at kaniyang pinanganlang Issachar.
19 At naglihi uli si Lea, at kaniyang ipinanganak ang kaniyang ikaanim na anak kay Jacob.
20 At sinabi ni Lea, Binigyan ako ng Dios ng isang mabuting kaloob; ngayo'y makikisama na sa akin ang aking asawa, sapagka't nagkaanak ako sa kaniya ng anim na lalake: at kaniyang pinanganlang Zabulon.
21 At pagkatapos ay nanganak siya ng babae, at kaniyang pinanganlang Dina.
22 At naalala ng Dios si Raquel, at dininig ng Dios, at binuksan ang kaniyang bahay-bata.
23 At siya'y naglihi at nanganak ng lalake; at kaniyang sinabi, Inalis ng Dios sa akin ang kakutyaan ko:
24 At kaniyang tinawag ang pangalan niya na Jose, na sinasabi, Dagdagan pa ako ng Panginoon ng isang anak.
25 At nangyari, nang maipanganak ni Raquel si Jose, na sinabi ni Jacob kay Laban, Papagpaalamin mo ako upang ako'y makaparoon sa aking dakong tinubuan at sa aking lupain.
26 Ibigay mo sa akin ang aking mga asawa at ang aking mga anak, na siyang kadahilanan ng ipinaglingkod ko sa iyo, at papagpaalamin mo ako: sapagka't talastas mo ang paglilingkod na ipinaglingkod ko sa iyo.
27 At sinabi sa kaniya ni Laban, Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa harap ng iyong mga mata, matira ka: aking napagkilala, na pinagpala ako ng Panginoon dahil sa iyo.
28 At kaniyang sinabi, Sabihin mo sa akin ang iyong kaupahan, at ibibigay ko sa iyo.
29 At sinabi niya sa kaniya, Nalalaman mo kung paanong pinaglingkuran kita, at kung anong lagay ng iyong mga hayop dahil sa akin.
30 Sapagka't kakaunti ang tinatangkilik mo bago ako dumating, at naging isang karamihan; at pinagpala ka ng Panginoon saan man ako pumihit; at ngayo'y kailan naman ako maghahanda ng sa aking sariling bahay?
31 At sa kaniya'y sinabi, Anong ibibigay ko sa iyo? At sinabi ni Jacob, Huwag mo akong bigyan ng anoman: kung ito'y iyong gawin sa akin, ay muli kong papastulin at aalagaan ang iyong kawan.
32 Dadaanan ko ang lahat mong kawan ngayon, na aking ihihiwalay doon ang lahat ng batikbatik at may dungis, at ang lahat na maitim sa mga tupa, at ang may dungis at batikbatik sa mga kambing: at siyang magiging aking kaupahan.
33 Gayon ako sasagutan ng aking katuwiran sa haharapin, pagparito mo, tungkol sa aking kaupahan, na nasa harap mo; yaong lahat na walang batik at walang dungis sa mga kambing, at hindi maitim sa mga tupa, na masusumpungan sa akin, ay maibibilang mong nakaw.
34 At sinabi ni Laban, Narito, mangyari nawa ayon sa iyong sabi.
35 At inihiwalay ni Laban ng araw ding yaon ang mga lalaking kambing na may batik at may dungis, at ang lahat ng babaing kambing na may batik at may dungis, lahat ng mayroong kaunting puti, at lahat ng maitim sa mga tupa, at ibinigay sa mga kamay ng kaniyang mga anak;
36 At siya'y naglakad ng tatlong araw ang pagitan kay Jacob; at pinakain ni Jacob ang nalabi sa mga kawan ni Laban.
37 At kumuha si Jacob ng mga sanga ng alamo, at almendro at kastano; at pinagbabakbakan ng mga batik na mapuputi, at kaniyang pinalitaw na gayon ang puti na nasa mga sanga.
38 At kaniyang inilagay ang mga sangang kaniyang binakbakan sa mga bangbang, sa harap ng kawan, sa mga pinagpapainuman; na pinaparoonan ng mga kawan upang uminom; at nangaglilihi pagka nagsisiparoon upang uminom.
39 At nangaglilihi ang mga kawan sa harap ng mga sanga at nanganganak ang mga kawan ng mga may guhit, may batik at may dungis.
40 At ang mga korderong ito ay inihihiwalay ni Jacob, at inihaharap ang kawan sa dakong may batik, at ang lahat ng maitim sa kawan ni Laban; sa kaniyang ibinukod ang mga kawan niya rin, at hindi isinama sa kawan ni Laban.
41 At nangyari, na kailan ma't maglilihi ang mga malakas sa kawan, ay inilalagay ni Jacob ang mga sanga sa harap ng mga mata ng kawan sa mga bangbang, upang sila'y papaglihihin sa gitna ng mga sanga.
42 Datapuwa't pagka ang kawan ay mahina ay hindi niya inilalagay, kaya't ang mahina ay nagiging kay Laban at ang malakas ay kay Jacob.
43 At ang lalake ay lumagong mainam; at nagkaroon ng malalaking kawan, at ng mga aliping babae at lalake, at ng mga kamelyo at ng mga asno.