Edit your favorites for the current
Chapter. Click to add/remove favorites.
Font
Daniel 4
1 Si Nabucodonosor na hari, sa lahat na bayan, bansa, at wika, na nagsisitahan sa buong lupa: Kapayapaa'y managana sa inyo.
2 Inaakala kong mabuti na ipahayag ang mga tanda at mga kababalaghan na ginawa sa akin ng Kataastaasang Dios.
3 Kay dakila ang kaniyang mga tanda! at pagka makapangyarihan ng kaniyang mga kababalaghan! ang kaniyang kaharian ay walang hanggang kaharian, at ang kaniyang kapangyarihan ay sa sali't saling lahi.
4 Akong si Nabucodonosor ay nagpapahinga sa aking bahay, at gumiginhawa sa aking palasio.
5 Ako'y nakakita ng isang pangitain na tumakot sa akin; at ang pagiisip ko sa aking higaan at ang mga pangitain na suma aking ulo ay bumagabag sa akin.
6 Kaya't nagpasiya ako na iharap sa akin ang lahat na pantas sa Babilonia, upang kanilang maipaaninaw sa akin ang kahulugan ng panaginip.
7 Nang magkagayo'y nagsidating ang mga mahiko, ang mga enkantador, ang mga Caldeo, at ang mga manghuhula; at isinaysay ko ang panaginip sa harap nila; nguni't hindi nila maipaaninaw sa akin ang kahulugan niyaon.
8 Nguni't sa kahulihuliha'y dumating sa harap ko si Daniel, na ang pangala'y Beltsasar, ayon sa pangalan ng aking dios, at siyang kinaroroonan ng espiritu ng mga banal na dios: at aking isinaysay ang panaginip sa harap niya, na aking sinasabi,
9 Oh Beltsasar, na pangulo ng mga mahiko, sapagka't talastas ko na ang espiritu ng mga banal na dios ay sumasaiyo, at walang lihim na bumabagabag sa iyo, isaysay mo sa akin ang mga pangitain ng aking panaginip na aking nakita, at ang kahulugan niyaon.
10 Ganito ang mga pangitain ng aking ulo sa aking higaan, Ako'y tumitingin, at narito, ang isang punong kahoy sa gitna ng lupa, at ang taas niyao'y di kawasa.
11 Ang punong kahoy ay lumaki, at tumibay, at ang taas niyao'y umaabot hanggang sa langit, at ang tanaw niyaon hanggang sa wakas ng buong lupa.
12 Ang mga dahon niyao'y magaganda, at ang bunga niyao'y marami, at pagkain sa lahat; ang mga hayop sa parang ay may lihim sa ilalim niyaon, at ang mga ibon sa himpapawid ay nagsisitahan sa mga sanga niyaon, at ang lahat na laman ay nangabubusog doon.
13 May nakita ako sa mga pangitain ng aking ulo sa aking higaan, at, narito, isang bantay at isang banal ay bumaba mula sa langit.
14 Siya'y sumigaw ng malakas, at nagsabi ng ganito, Ibuwal ang kahoy, at putulin ang mga sanga niyan, lagasin ang mga dahon niyan, at isambulat ang mga bunga niyan: paalisin ang mga hayop sa ilalim niyan, at ang mga ibon sa mga sanga niyan.
15 Gayon ma'y inyong iwan ang tuod ng kaniyang mga ugat sa lupa, na magkatali ng bakal at tanso, sa murang damo sa parang; at bayaang mabasa siya ng hamog ng langit, at makasalo siya ng mga hayop sa damo sa lupa:
16 Bayaang ang kaniyang puso na pusong tao ay mapalitan at ang puso ng hayop ay mabigay sa kaniya; at mangyaring makapito sa kaniya.
17 Ang hatol ay sa pamamagitan ng pasiya ng mga bantay, at ang utos ay sa pamamagitan ng salita ng mga banal; upang makilala ng mga may buhay na ang Kataastaasan ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa kanino mang kaniyang ibigin, at itinataas niya sa kaniya ang pinakamababa sa mga tao.
18 Akong si Nabucodonosor na hari ay nakakita ng panaginip na ito: at ikaw, Oh Beltsasar, ipahayag ang kahulugan, sapagka't lahat na pantas sa aking kaharian ay hindi makapagpaaninaw sa akin ng kahulugan; nguni't maipaaaninaw mo; sapagka't ang espiritu ng mga banal na dios ay sumasa iyo.
19 Nang magkagayo'y si Daniel na ang pangala'y Beltsasar, natigilang sangdali, at binagabag siya ng kaniyang mga pagiisip. Ang hari ay sumagot, at nagsabi, Beltsasar, huwag kang bagabagin ng panaginip, o ng kahulugan. Si Beltsasar ay sumagot, at nagsabi, Panginoon ko, ang panaginip ay mangyari nawa sa napopoot sa iyo, at ang kahulugan niyao'y mangyari nawa sa iyong mga kaaway,
20 Ang punong kahoy na iyong nakita na tumutubo, at tumitibay na ang taas ay umaabot sa langit, at ang tanaw niyao'y sa buong lupa;
21 Na ang mga daho'y magaganda, at ang bunga niyao'y marami, at pagkain sa lahat; na ang lilim ay tinatahanan ng mga hayop sa parang, at ang kaniyang mga sanga'y dinadapuan ng mga ibon sa himpapawid:
22 Ay ikaw, Oh hari, na lumalaki at nagiging malakas; sapagka't ang iyong kadakilaan ay lumaki, at umaabot hanggang sa langit, at ang iyong kapangyarihan ay hanggang sa wakas ng lupa.
23 At yamang nakita ng hari ang isang bantay at isang banal na bumababa mula sa langit, at nagsasabi, Ibuwal ninyo ang punong kahoy, at inyong lipulin; gayon ma'y itira ninyo ang tuod ng mga ugat niyaon sa lupa na magkatali ng bakal at tanso, sa murang damo sa parang, at bayaang mabasa siya ng hamog ng langit, at makasalo siya ng mga hayop sa parang, hanggang sa mangyari sa kaniya na makapito;
24 Ito ang kahulugan, Oh hari, at siyang pasiya ng kataastaasan na sumapit sa aking panginoon na hari:
25 Na ikaw ay mahihiwalay sa mga tao, at ang iyong tahanan ay mapapasama sa mga hayop sa parang, at ikaw ay pakakanin ng damo na gaya ng mga baka, at mababasa ka ng hamog ng langit, at makapitong mangyayari sa iyo; hanggang sa iyong maalaman na ang kataastaasan ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at nagbibigay niyaon sa kanino mang ibigin niya.
26 At yamang kanilang iniutos na iwan ang tuod ng mga ugat ng kahoy; ang iyong kaharian ay tunay na magiging iyo, pagkatapos na iyong maalaman na ang mga langit ay nagpupuno.
27 Kaya't, Oh hari, tanggapin mo ang aking payo, at lansagin mo ng katuwiran ang iyong mga kasalanan, at ng pagpapakita ng kaawaan sa dukha ang iyong katampalasanan; baka sakaling ikatibay ng iyong katiwasayan.
28 Lahat ng ito'y sumapit sa haring Nabucodonosor.
29 Sa katapusan ng labing dalawang buwan ay lumalakad siya sa palacio ng hari sa Babilonia.
30 Ang hari ay nagsalita, at nagsabi, Hindi baga ito ang dakilang Babilonia na aking itinayo na pinaka tahanang hari, sa pamamagitan ng lakas ng aking kapangyarihan at sa ikaluluwalhati ng aking kamahalan?
31 Samantalang ang salita ay nasa bibig pa ng hari, ay may isang tinig na nanggaling sa langit, na nagsasabi, Oh haring Nabucodonosor, sa iyo'y sinalita: Ang kaharian ay mahihiwalay sa iyo.
32 At ikaw ay palalayasin sa mga tao; at ang iyong tahanan ay mapapasama sa mga hayop sa parang; ikaw ay pakakanin ng damo na gaya ng mga baka; at makapitong mangyayari sa iyo; hanggang sa iyong maalaman na ang Kataastaasan ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay sa kanino mang kaniyang ibigin.
33 Nang oras ding yaon ay natupad ang bagay kay Nabucodonosor: at siya'y pinalayas sa mga tao, at kumain ng damo na gaya ng mga baka, at ang kaniyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit, hanggang sa ang kaniyang buhok ay lumagong parang balahibo ng mga aguila, at ang kaniyang mga kuko ay parang mga kuko ng mga ibon.
34 At sa katapusan ng mga kaarawan, akong si Nabucodonosor ay nagtaas ng aking mga mata sa langit, at ang aking unawa ay nanumbalik sa akin, at aking pinuri ang Kataastaasan, at aking pinuri at pinarangalan ko siya na nabubuhay magpakailan man; sapagka't ang kaniyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan, at ang kaniyang kaharian ay sa sali't saling lahi;
35 At ang lahat na mananahan sa lupa ay nabilang sa wala; at kaniyang ginagawa ang ayon sa kaniyang kalooban sa hukbo ng langit, at sa mga mananahan sa lupa; at walang makahahadlang sa kaniyang kamay, o makapagsasabi sa kaniya, Anong ginagawa mo?
36 Sa oras ding yaon ay nanumbalik sa akin ang aking unawa; at sa ikaluluwalhati ng aking kaharian, ay nanumbalik sa akin ang aking kamahalan at kakinangan; at hinanap ako ng aking mga kasangguni at mga mahal na tao; at ako'y natatag sa aking kaharian, at marilag na kadakilaan ay nadagdag sa akin.
37 Ngayo'y akong si Nabucodonosor ay pumupuri, at nagbubunyi, at nagpaparangal sa Hari ng langit; sapagka't ang lahat niyang gawa ay katotohanan, at ang kaniyang mga daan ay kahatulan; at yaong nagsisilakad sa kapalaluan ay kaniyang mapabababa.