Remove Ads

Ang Dating Biblia

Font


Matthew 5



1 At pagkakita sa mga karamihan, ay umahon siya sa bundok: at pagkaupo niya, ay nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad:
2 At binuka niya ang kaniyang bibig at tinuruan sila, na sinasabi,
3 Mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob: sapagka't kanila ang kaharian ng langit.
4 Mapapalad ang nangahahapis: sapagka't sila'y aaliwin.
5 Mapapalad ang maaamo: sapagka't mamanahin nila ang lupa.
6 Mapapalad ang nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran: sapagka't sila'y bubusugin.
7 Mapapalad ang mga mahabagin: sapagka't sila'y kahahabagan.
8 Mapapalad ang mga may malinis na puso: sapagka't makikita nila ang Dios.
9 Mapapalad ang mga mapagpayapa: sapagka't sila'y tatawaging mga anak ng Dios.
10 Mapapalad ang mga pinaguusig dahil sa katuwiran: sapagka't kanila ang kaharian ng langit.
11 Mapapalad kayo pagka kayo'y inaalimura, at kayo'y pinaguusig, at kayo'y pinagwiwikaan ng sarisaring masama na pawang kasinungalingan, dahil sa akin.
12 Mangagalak kayo, at mangagsayang totoo: sapagka't malaki ang ganti sa inyo sa langit: sapagka't gayon din ang kanilang pagkausig sa mga propeta na nangauna sa inyo.
13 Kayo ang asin ng lupa: nguni't kung ang asin ay tumabang, ay ano ang ipagpapaalat? wala nang ano pa mang kabuluhan, kundi upang itapon sa labas at yurakan ng mga tao.
14 Kayo ang ilaw ng sanglibutan. Ang isang bayan na natatayo sa ibabaw ng isang bundok ay hindi maitatago.
15 Hindi rin nga pinaniningasan ang isang ilawan, at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw; at lumiliwanag sa lahat ng nangasa bahay.
16 Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.
17 Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako'y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin.
18 Sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit, sa anomang paraan ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.
19 Kaya't ang sinomang sumuway sa isa sa kaliitliitang mga utos na ito, at ituro ang gayon sa mga tao, ay tatawaging kaliitliitan sa kaharian ng langit: datapuwa't ang sinomang gumanap at ituro, ito'y tatawaging dakila sa kaharian ng langit.
20 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na kung hindi hihigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.
21 Narinig ninyo na sinabi sa mga tao sa una, Huwag kang papatay; at ang sinomang pumatay ay mapapasa panganib sa kahatulan:
22 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang bawa't mapoot sa kaniyang kapatid ay mapapasa panganib sa kahatulan; at ang sinomang magsabi sa kaniyang kapatid, Raca, ay mapapasa panganib sa Sanedrin; at ang sinomang magsabi, Ulol ka, ay mapapasa panganib sa impierno ng apoy.
23 Kaya't kung inihahandog mo ang iyong hain sa dambana, at doo'y maalaala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anomang laban sa iyo,
24 Iwan mo roon sa harap ng dambana ang hain mo, at yumaon ka ng iyong lakad, makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon ay magbalik ka at ihandog mo ang iyong hain.
25 Makipagkasundo ka agad sa iyong kaalit, samantalang ikaw ay kasama niya sa daan; baka ibigay ka ng kaalit mo sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa punong kawal, at ipasok ka sa bilangguan.
26 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Hindi ka aalis doon sa anomang paraan, hanggang hindi mo mapagbayaran ang katapustapusang beles.
27 Narinig ninyong sinabi, Huwag kang mangangalunya:
28 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang bawa't tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkakasala, na ng pangangalunya sa kaniyang puso.
29 At kung ang kanan mong mata ay nakapagpapatisod sa iyo, ay dukitin mo, at iyong itapon: sapagka't may mapapakinabang ka pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan, at huwag ang buong katawan mo ay mabulid sa impierno.
30 At kung ang kanan mong kamay ay nakapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo, at iyong itapon: sapagka't may mapapakinabang ka pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan, at huwag ang buong katawan mo ay mapasa impierno.
31 Sinabi rin naman, Ang sinomang lalake na ihiwalay na ang kaniyang asawa, ay bigyan niya siya ng kasulatan ng paghihiwalay:
32 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang sinomang lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa, liban na lamang kung sa pakikiapid ang dahil, ay siya ang sa kaniya'y nagbibigay kadahilanan ng pangangalunya: at ang sinomang magasawa sa kaniya kung naihiwalay na siya ay nagkakasala ng pangangalunya.
33 Bukod sa rito'y inyong narinig na sinabi sa mga tao sa una, Huwag kang manunumpa ng di katotohanan, kundi tutupdin mo sa Panginoon ang iyong mga sumpa:
34 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, Huwag ninyong ipanumpa ang anoman; kahit ang langit, sapagka't siyang luklukan ng Dios;
35 Kahit ang lupa, sapagka't siyang tungtungan ng kaniyang mga paa; kahit ang Jerusalem, sapagka't siyang bayan ng dakilang Hari.
36 Kahit man ang ulo mo ay huwag mong ipanumpa, sapagka't hindi ka makagagawa ng isang buhok na maputi o maitim.
37 Datapuwa't ang magiging pananalita ninyo'y, Oo, oo; Hindi, hindi; sapagka't ang humigit pa rito ay buhat sa masama.
38 Narinig ninyong sinabi, Mata sa mata, at ngipin sa ngipin:
39 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong makilaban sa masamang tao: kundi sa sinomang sa iyo'y sumampal sa kanan mong pisngi, iharap mo naman sa kaniya ang kabila.
40 At sa magibig na ikaw ay ipagsakdal, at kunin sa iyo ang iyong tunika, ay iwan mo rin naman sa kaniya ang iyong balabal.
41 At sa sinomang pipilit sa iyo na ikaw ay lumakad ng isang milya, ay lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya.
42 Bigyan mo ang sa iyo'y humihingi, at huwag mong talikdan ang sa iyo'y nangungutang.
43 Narinig ninyong sinabi, Iibigin mo ang iyong kapuwa, at kapopootan mo ang iyong kaaway:
44 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang sa inyo'y nagsisiusig;
45 Upang kayo'y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit: sapagka't pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap.
46 Sapagka't kung kayo'y iibig sa nangagsisiibig lamang sa inyo, ano ang ganti na inyong kakamtin? hindi baga gayon din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis?
47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong babatiin, ano ang kalabisan ng inyong ginagawa? hindi baga gayon din ang ginagawa ng mga Gentil?
48 Kayo nga'y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.